Mahirap ngumiti kapag may itinatagong sakit. Mahirap ang tumawa kapag alam mong hindi naman talaga masaya. Mahirap aminin sa sarili na masama ang loob mo, hindi lang sa mga tao na nasa paligid, kundi kahit na sa sarili mo. Sa madaling salita, mahirap ang magpanggap.
Bakit nga ba hindi kayang ipakita ang lahat ng sakit na dinadala ko? Punum-puno ng poot, dusa, galit sa mundo, pagbagsak, pagkabigo, inggit, at kaguluhan sa pag-iisp, ilan lamang sa nagpapahirap sakin. Sa hindi ko malamang dahilan, wala akong makitang sapat na rason para maramdaman ang lahat ng ito. Parang nitong mga nakaraan na araw lang ay hindi ako nawawalan ng ngiti sa labi, panay tawa at halakhak ang sumasalubong sa bawat araw. Pero isang araw paggising ko, naramdaman ko na lang na nagsasawa na ako sa takbo ng buhay ko, paulit-ulit na lang at parang wala ng nagbabago, pagod na akong tumawa, nauubusan na ko ng ngiti. Pinipilit ko na lang maging normal alang-alang sa mga kaibigan at pamilya ko. Pero nahihirapan na ako. Hindi ko kayang ilihim o aminin sa sarili ko na may dinaramdam ako, kaya sa tuwing pipilitin kong tumawa o kahit ngumiti man lang, naririnig ko ang kaluluwa ko na para bang sumisigaw sa ulo ko ng : "Tanga ka! Wala kang karapatang lumigaya!" Dahilan para umiyak ang nasaktan kong damdamin. Hindi man nila akong nakikitang umiiyak, pero sa loob loob ko, ma mabuti na yun, hindi na nga siguro nila kailangang makita pa, mas mabuting wala nang makasaksi sa unti-unting pagbagsak ng isang taong marupok pa sa tablang inaanay. Walang ibang tao ang makakatulong sa akin kundi ang sarili ko lamang. AKo at wala ng iba pa.
Muli akong gigising sa mga susunod pang araw, na hindi sigurado kung may sapat pang lakas para bumangon. Muling haharap sa mundo na ni minsan ay hindi ako nabahagian ng ligaya. Sana ay kaya ko pa. Sana, makayanan ko pa...